Tahan na

source: http://news.yahoo.com/nphotos/slideshow/photo//091002/ids_photos_wl/r1125296281.jpg/ ni Haniely Pableo

Aking naaalala no'ng ako ay bata pa Pag bumagyo sa amin kami ay binabaha Dala sa balikat ang aming mga supot Damit at pagkain ay sadyang ibinabalot Naglalakad sa gitna ng lakas ng hangin Tamaan man ng kahoy ay di na pinapansin Basang-basa kami sa pagbuhos ng ulan Pupunta sa malayo doon sa may simbahan. Lalayo at iiwasan ang wasak ng bagyo Gagawin ang lahat, basta't ligtas ang buhay mo.

Di ko lubos maisip kung ano ang dinaranas Ngayon ng kababayan doon sa Pilipinas Bahay, ari-arian ay bigla na lamang nawala Patay dito, patay doon pati aso at pusa. Hinaing ng kababayan, kung saan sila patungo Pangarap ni bunso ay bigla na lang naglaho Ngayon aking tanong kung ano ang meron dito? Ngayon aking tanong kung saan tayo tutungo? May bukas pa kayang naghihintay sa kanila? Aahon pa kaya silang nasalanta?

Saan na pupunta ngayon ang mga bata? Kung ang eskwela ay sadyang binabaha. Hanggang leeg, hanggang tuhod, bigla na lang nalunod Iligtas ang buhay, katapangan mo'y susugod. Nilabanan mo ang bagsik ni Ketsana Bayani kang tunay, Pinoy kang talaga! Tumulong ka't bumangon, ngayon na! Tara Na! Sagipin ang 'yong kapwa, tayo ay magka-isa.

Pero aking kababayan, kung iyong iisipin Si Inang Kalikasan hindi dapat ang sisihin. Sino ang pumuputol ng ulo ng mga kahoy? Sino ang nagkalat ng basurang lumalangoy? Ikaw ba, o ako, o ang lahat ng tao? Si Inang Kalikasan ay ating minamaltrato. Ito'y isang tula para sa aking kapwa Hindi ko akalain na ako'y isang makata.

Si Ondoy ay lumipas dala niya ang hagupit At heto na naman, paligid ay pumangit. Sa paglipas ni Ondoy, laban ay di nagtatapos Kahirapan ng madla ay makikita mong lubos. Tahan na kaibigan, tahan na kapatid. Di ka na nag-iisa, sana ay iyong batid Na kahit na malayo, kami ay nandirito, Ang inyong lingkod, handang tumulong sa inyo.